Philippines Expanded Senior Citizens Act (RA 9994)
Ang paglaki ng populasyon ay tunay ngang hindi na mapipigilan. Kasabay nito ang paglaki rin ng bilang ng matandang populasyon o senior citizen. Ayon sa aking nabasang saliksik ng United Nations, sa taong 2050 ay magiging doble na ang bilang ng mga senior citizen sa buong mundo. Parehas lang ang magiging sitwasyon dito sa Pilipinas na kung saan ang mga taong nasa 60 taon pataas ay nabibilang na sa senior citizen. Ang mga pangangailangan nila ay may malaking kaibahan sa perspektibo ng mga nakakabatang populasyon. Kaya naman ang ating gobyerno ay tinulungan sila sa pamamagitan ng paggawa ng batas noong 1993, ang RA No. 7432, at na-amyendahan ito noong 2010 na naging RA 9994. Layunin ng batas na ito ang magbigay ng benepisyo sa matandang populasyon, kasama na rito ang discounts sa gamot, pagkain, propesyonal na serbisyo, regular na paggamot sa sakit tulad ng dialysis, transportasyon at marami pang iba. Dagdag pa rito yung tinatawag na VAT exemption sa pagbili ng mga produkto. Kaya noong isinagawa namin ang Gender Study Group at ito ang aming paksa, napagkwentuhan at nagkapalitan kami ng mga opinyon tungkol sa malaking tulong na naibibigay ng batas na ito sa mamamayang Pilipino.
Hindi naman kaila sa pamilya ko sa SET na may kasalukuyan akong dependent na senior citizen, ang aking nanay. Si tatay ko, noong nabubuhay pa sya, ay isa rin senior citizen. Naibahagi ko sa aming service group na ang aking mga magulang ay may alam na gamitin ang batas na para sa kanila. Natatandaan ko pa noong 2014, naging 60 taon na ang edad ng aking nanay, minadali na nya kumuha ng senior citizen ID at booklet galing sa munisipyo. Ang aking nanay talaga ang masasabi kong nakapag-take advantage ng batas na ito kasi kahit saan sya magpunta, lagi siyang mayroong discount. Pagbili niya ng maintenance na gamot sa botika, pagbili nya sa grocery. pagpila nya sa grocery, pamasahe sa transportasyon, pag-kain nya sa mga restaurants, lahat yun nagamit niya. Ang aking tatay naman ay parehas din, pero ang pinakanaging magamit ang pagiging senior citizen niya ay yung nag-undergo na siya ng Dialysis. Sobrang laking discount ang naitulong sa aming pamilya, lalo na sa aming magkakapatid, sa tuwing Dialysis niya. Kahit hanggang siya ay pumanaw na, nagamit pa rin namin ang pagiging senior citizen niya para magkaroon ng discount sa bayarin namin sa punerarya. Naabutan din naman ng lola ko, nanay ng aking tatay, itong 2010 version ng batas, pero dahil sa kakulangan sa kaalaman at hindi agresibong mga anak niya, hindi niya nasubukan ang mga benepisyo ng isang senior citizen.
Katulad ng aking lola, marami ring Pilipino ang hindi nakakaalam sa pakinabang na pwede nilang makamit sa batas na ito. Bukod sa kanila, mayroon din mga business ang hindi nagbibigay ng discount sa mga senior citizen. Sa pag-aaral na isinagawa nina Salenga, Loquias, and Sarol, 2016, nag-survey sila ng mga drug outlets at 75% lang sa mga ito ang nagbibigay ng discount. Marami rin akong nabasa na mga naging problema sa implementasyon ng batas na ito pero ang pinakaunang dahilan ay yung kakulangan sa kaalaman o “lack of awareness”. At siguro, yung pag-asikaso ng mga primary requirements para mapatunayan na isa ka na talagang senior citizen, ay kinatamaran na o walang sumuporta na kamag-anak.
Paano naman napasok ang usapin ng GAD? Kung babasahin ninyo talaga ang nasabing batas, masasabi po na pantay ang pagbibigay nila ng benepisyo mapa-babae ka man o lalaki, wala itong kinikilingan. At kahit ano pang estado mo sa buhay basta nasa 60 taon na edad ka na pataas, ay sako ka na ng batas na ito. At kung susuriin mabuti, gumamit din ang mga gumawa ng batas na ito ng konsepto ng equity kasi nga layunin nito ang suportahan ang mga kulang sa pamumuhay ng mga matatanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga benepisyo, para maging kaparehas nila ang uri ng pamumuhay sa mga nakakabata.
Sa aking pamilya, naging epektibo naman ang batas na ito. Totoo na siguro sa iba, kailangan lang maging malinaw sa kanila o kaya naman nagkakaron lang ng problema sa implementasyon. Wala naman perpektong batas, kaya nga yung iba nagsasagawa ng pag-aaral para sa susunod na amyenda, mas lalo pa nilang maganda at mapagtibay ito.