Metrotent Convention Center – September 20, 2025
Muli na namang pinatunayan ng FlipTop Battle League kung bakit sila ang pinakapinagkakatiwalaang liga ng battle rap sa bansa. Sa edisyong ito ng Bwelta Balentong 12, hindi lang basta bakbakan ang napanood ng mga dumalo—ito ay isang gabi ng kasaysayan, pasabog na punchlines, at hindi matatawarang crowd energy.

Jonas vs. Frooz (5–0)
Ito ang Jonas na hinahanap ng lahat. Sa laban niya kontra Frooz, pinagsama niya ang comedy at teknikal na banat kaya ramdam ang lamang. Si Frooz, bagama’t dala pa rin ang kanyang klasikong estilo, ay hindi nakasabay. Kahit sa replay, malinaw na Jonas ang nagdomina.
GL vs. Hazky (5–0)
Unang yugto ng dalawang makasaysayang laban ni GL sa iisang gabi. Akala ng marami, kay Hazky na agad ang laban matapos siyang magpasabog sa round 1. Pero pagdating ng rounds 2 at 3, unti-unting bumitaw si Hazky habang pinalakas nang pinalakas ni GL ang mga banat niya. Sa round 3, halos ginuwardiyahan ng crowd si GL habang dinudurog niya si Hazky.
Slockone vs. J-Blaque
“JBL aku!” – ito ang banat na kumalabit ng crowd. Ginawang speaker ni Slockone si J-Blaque, dagdag pa ang epektibong paggamit niya ng Bisaya angle. Kita ring hindi ganoon kahanda si J-Blaque kumpara sa laban niya kontra Vitrum, kaya malinaw na nagningning si Slockone dito.
Invictus vs. Pistolero (5–0)
Hindi na kinagat ang style-breaker approach ni Pistolero. Tinuldukan na rin ito ni Invictus sa iconic na banat: “Sniper na may holo”. Malinaw na hindi uubra ang pistol kontra sniper, lalo na kung may holographic scope pa.
M-Zhayt vs. Empithri (5–0)
Battle ng may pinakamaraming haters. Malakas ang simula ni Empithri pero nadurog siya ng sunod-sunod na rebuttals ni M-Zhayt. Habang pumipiyok at nagkakastutter si Empithri, patuloy namang pumapalo ang bawat banat ni M-Zhayt. Ang highlight? Ang Bisaya version ng Luneta: “Lunita, Lunita, Lunita”. Crowd-favorite, crowd-killer.
GL vs. Ruffian (5–0)
Ang ikalawang laban ni GL sa iisang gabi at malinaw na mas pinasabog niya pa ito. Mula One Piece reference hanggang sa wordplay sa “diamond in the ruff,” dinurog niya si Ruffian. Kahit malakas ang mga round ni Ruffian, hindi niya naabot ang antas ng sulat at delivery ni GL. Kung ibang emcee pa ang nakaharap, baka siya ang nanalo. Pero kay GL? Malabong mangyari.
Katana vs. Saint Ice (7–0)
Unang Isabuhay battle ng gabi. Parehong preparado, parehong matindi. Pero mas pinaboran ng crowd at ng panahon si Katana. Magkahalong comedy at technical ang dala niya, at malinaw na umangat ang kanyang writing mula sa huling laban niya kontra Carlito. Ito ang Katana na tunay na pang-balagbagan.
Lhipkram vs. Ban (6–1) – Main Event
Pinaka-huling laban at main event ng gabi. Marami ang nagulat sa lakas ng performance ni Ban—palag siya mula round 1 hanggang round 2. Pero sa round 3, bumitaw siya, at dito na nakalamang si Lhipkram. Ramdam pa rin na medyo mahina ang sulat ni Lhipkram ngayong gabi kumpara sa nakaraan, kaya marami ang umaasa na mas aangat pa ang kanyang performance sa finals kontra Katana.
Overall Event Experience
Hindi maikakaila ang tagumpay ng event. Punong-puno ang venue—mas marami ang tao ngayon kumpara sa mga nakaraang event. Posibleng dahilan ay ang malaking rally kinabukasan sa Luneta, at syempre, ang kasikatan ni GL na may malaking fanbase. Dahil dito, kahit SVIP ticket holders ay hindi naramdaman ang “exclusivity” dahil siksikan ang lahat. Dagdag pa, hindi na kinaya ng aircon ang dami ng tao, kaya tila naging sauna ang loob ng Metrotent.
Sa kabila ng lahat ng ito, nagbunga naman ang init at siksikan ng isang gabing puno ng apoy at pasabog sa entablado. Congrats sa FlipTop Battle League sa isang matagumpay na Bwelta Balentong 12! Kita-kits sa mga susunod na laban.
